Tuwing umaga. Madalas kong pag masdan ang sarili kong imahe sa salamin… dahil sa aking palagay ang salamin lang ang tanging bagay na may kakayahang ilarawan ang totoo kong anyo…ng walang halong pangdaraya…ng walang halong pagkukunwari.. Ngunit naniniwala din ako na ang salamin ang kahuli-hulihang bagay na may kakayahang ilarawan ang totoo kong pagkatao…
Masasabi kong isa akong estranghero sa paningin ng maraming tao.. Kabaligtaran ko ang bituin sa langit, wala akong ningning at kinang… imposebleng tingalain ng kahit na sino…Hindi ko kayang lumipad tulad ng ibon, Ngunit kaya kong abutin lahat ng aking mga pangarap…Hindi ako si Darna na may kakayahang lumunok ng bato na hindi nalalagutan ng hininga…
Simpleng tao lang ako, may simpleng pangarap at simpleng paniniwala.. May paninindigan at prinsipyong walang katumbas na halaga...Ako ang tipo ng tao na hindi natatakot panindigan ang mga desisyon pinili kong maging mali, ngunit alam kong makakapagbigay ng kasiyahan sa buhay ko…Malakas ang loob kong sabihin na maraming tao ang nagtitiwala sa akin… Nararamdaman ko din na ang nag-aalab kong personalidad ang nagbibigay ng lakas ng loob at tiwala sa sarili…
Hindi ako manunulat, mahilig lang akong mag sayang ng tinta sa papel… Lalong hindi ako makata…mahusay lang akong mag imbento ng mga panaginip…At para sa inyong kaalaman hirap akong tumula kapag walang tugma’t sukat… Marahil sa isang lawin sa himpapawid, maihahalintulad ko ang sarili ko… kaibigan ng hangin at ulap…ngunit kinakatakutan naman ng sisiw at daga…Katulad ng kwagong mapagmatyag sa gabi ang aking pananalig sa may gawa ng langit at lupa…
Komportable akong mag-isa, Ngunit hindi ko kayang mabuhay ng nag-iisa… Hindi ako perpekto katulad nila… pero kaya kong magpakatotoo sa ngalan ng pakikisama… Wala akong hindi kayang gawin, pero marahil marami akong hindi susubukan… dahil pipiliin kong ganon na lang..
Madalas pinipili kong manahimik, upang bigyan ng kakaibang ingay ang mundo ko… at marahil sa kadahilanan din na naniniwala ako, na minsan kelangan nating manahimik para mapakingan…at minsan pa nga kelangan nating mawala para maramdaman… maraming pagkakataon ko na rin napatunayan na ipinanganak ako para magmahal at mahalin…
Hindi ko ugaling sumuko sa mga problema, hinahayaan ko na lang na isuko ako ng problema… kung saan-saan na rin ako napadpad, ilang bagyo na rin ang naghatid sa akin ng lamig at sindak.. marami na ring dumaang tuyo’t at tag-araw…nadadapa ako, ngunit mabilis na bumabangon…
Hindi ako ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig, Wala akong kakayahang makuha o mabili ang lahat ng mamahaling bagay sa mundo..Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko din, matulog at managinip sa loob ng isang palasyo….
Gusto kong isipin na pinapahalagahan ko ang buhay ko, sa parehong paraan na, na handa kong ialay ang buhay at pangarap ko sa mga taong pinakamamahal ko…. Sa aking pamilya… Sila ang mga taong pinakamamahal ko… sila ang pinakaimportante sa buhay ko…sila ang taong pinapahalagayan ko ng higit pa sa buhay ko.. Sila ang dahilan kong bakit ako nabubuhay.. Sila ang rason kong bakit nakakaya kong lahat…Sila ang nagsisilbing ilaw sa madilim kong mundo...
Madalas kong isipin na para akong isang kandila, lumiliit sapagkat nakasindi…isang nilalang na nangangapa sa kadiliman ng buhay…isang babaeng nangangarap mahalin, at mapansin ng isang multo… isang taong umaasa na ang lahat ng pangyayari ay may dahilan… at naniniwala na nalalagas din ang dahon sa kanyang kapanahunan…
AKO? Isang estranghero na ang tanging hiling lang ay maging masaya at marating ang tinatawag nilang rurok ng tagumpay…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment